"Ang hindi magmahal sa kanyang sariling wika ay mas masahol pa sa isang malansang isda" - Gat. Jose Rizal
Tugon ng isang Inglisero:
Sa patuloy na pag-ikot ng mundo, ang Ingles ang namumutawi’t nasasaulo. Halos lahat ng posibleng aspeto, ang wikang batayan, sa Ingles nakasalo. Karamihan ng mga nasasaklaw na diskurso, hindi tuwirang matatanto kung ang wika’y sa Filipino. Ang wikang ipinamumulat ay sa mundong nagpasisiwalat. Limitado ang mapaghuhugutan, kung ang sipat ay sa pambansang wika lamang. Kung gustong makita ang kabuuan, ang turo’y sa Ingles nararapat ang basehan. Nararapat na ang salimbibig ay sa pagtinging sambayanan, tungo sa kamunduan, maghuhubog sa madla, lalo na sa kabataan. Ang matinding kadahilanan, sadya nga talaga na ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan. Kung mamarapating sabihin, marahan lang na ating angkinin, wika munang hindi atin. Sa tawag ng panahon, marapat itong itaghoy ng bayang naghihikahos para sa minimithing kaliwanagan, kalayaan, kapayapaan.
Ang pagkamit sa mga ito’y nasasarhan ng mga klaseng ang wika’y nilalampastangan. Kung sariling wika ang gagamitin, marami ang yuyurak sa kanyang kariktan dahil sa balarilang napupuno ng kalayaan. Sa wikang Ingles, kahit karamiha’y wakang interes, nabibigyan ng displina ang mga labing napupurol sa tuwi-tuwina. Hinuhulma ng mga gramatikong pamantayan ang mga isipang sa simula’y kinakalawang. Mas tuwiran ang pagpapalawig ng kaalaman, sagad sa laman at buto ang mga nagiging batid na katuwiran. Naisasatama ang mga kamalian sa mga sipat na hindi pa naisasalin ng mga sumusulat, mga manunulat. Ayon nga sa mga dalubhasa, natatamo ang pag-asa ng isang bansa na masawata ang kumpetensiya sa lahat ng sekta sa Ingles na pananalita.
Ang kaunlaran ay pasisinayaan ng mga kabataang makikipagtulungan gamit ang Ingles bilang makinaryang pakikipagtalastasan. Makaaahon ang republikang sa pamumuno’y patapon sa mas edukadong lipunan. Sa pamantayang ipinahihiwatig ng mundong kinagisnan, mainam na may kakayanan ang sambayanan na makipaglaban ng harapan kahit sa pakikipalitan ng salita o talakayan. Kahit na sadyang may kaliitan ang ating bansa, dambuhala naman ang ating katalentaduhan sa pagpapaksa, pakikipagpalitan ng mga kaisipan sa paggawa ng kulturang pangkamunduan.
Batid ng edukasyon sa ganitong pamamaraan, ang kinabukasan ang makapagbabangon sa isipang purol na nagpalalawig sa kahirapan, karukhaan. Maliban sa kasasabi lamang, magsisilbing behikulo ng pagbubuklod ng mga distrito ng bawat kanto sa siyudad ng tao ang pagsasakumbensyunal nito. Kahit ang pagpapasimuno ng panibagong digmaan sa kasalukuyan, ating maiiwasan, malalabanan ng mga katagang makapanlilikha ng bantayog na makapanlalaya sa dilang tanikala.
No comments:
Post a Comment