Ang pinuno ay pinuno upang pumuno.
Ngunit, upang tuluyang maging instrumento ng pagbabago ang isa sa kanyang lipunan, kailangan din ng sapat na kaalaman, dahil ang pamumuno ay hindi lamang nagiging obligasyon sa sarili, isa rin itong sining na dapat ipinayayabong at ipinalalawig sa kapwa mamamayan. Mahirap humati, humimay ng teorya, sitwasyon o prinsipyo kung ang isipang patalim ay purol sa bulag na katotohanan. Ang hindi pagsasatama ng nakagisnang mga pagsasaakala o nosyon ay kakalawangin na tulad ng isang poste ng gusali na makadudulot nang pagkabagsak ng ipinundar na tiwala’t karanasan. Ang pagpuno sa isip ang siyang kapangyarihan at susi sa pagpupuno sa lipunan sa pamumuno.
Marahil, kung pagninilayan ang pinakaunang kataga ukol sa pagpupuno, mapaiisip ang ilan sa mala-Atlas na pagdala ng kamunduang problema sa proseso ng pagpupuno. May anggulo ng katotohanan ang pagdala kung ika’y magpadadala sa agos ng panahon na walang pinatutunguhang pagbabago batid ng kawalan ng pag-asa o pagtiwala sa lipunan. Ngunit, kung titignan ng pinuno ang maiaambag sa mamamayan, nariyan nga talaga siya upang pumuno ng pagsasaalang-alang sa kalagayan sa pagtungo sa kagustuhang pagbabago. Ang kagustuhan na manggagaling sa mismong sambayanan batid ng hikayat ng indibidwal na kaalaman at pagpapapuno sa isa’t isang nagpapapuno.
Sa Unibersidad ng Pilipinas, ang kaalaman ay ang nagiging sandata ng bawat isa sa pagpupuno ng paninindigang ipinanganak ng inihandog na kalayaan sa napakaraming aspeto mula sa kauna-unahang hakbang sa naturang intitusyon. Hindi maiiwasang sumapi rito, sumali roon sa paghahanap ng sarili. Lider ang bawat isa sa tao na kaharap niya sa salamin. Sa lakas ng kasalukuyang ipinaiiral na tradisyunal na pananaw na batid ng mga nakagawiang diskurso sa Unibersidad, hindi mapipigilang bato-balaning dumikit ang paninindigan sa teorya, o kung minsan, “crash culture” na inihahatid ng mga nasabing maitutukoy na liderato. Sa halip na tumingin sa sarili at pansinin ang mga pagkakapare-parehong pananaw, sa kaibahan pa rin nakakahon ang karamihan. Kaya puwede ring sabihin na ang kalayaan pala mismo ang naglagay ng rehas sa braso. Kung ibabalik sa pamumuno, kailangang malaman ang paktor ng pagsasabuklod ng bawat isang sekta o organisasyon, opisina o kolehiyo. Magiging posible ito sa pagsasapuno sa pag-unlad ng kaalaman ng bawat isa sa isa’t isa. Himayin ang mga pagkakaiba. Gumawa ng paraan sa pagpuno sa mga alinlangan. Tiyak na ang unibersidad ay isang nagkakaisa.
No comments:
Post a Comment